Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Pilipino na yakapin ang diwa ng malasakit at paglilingkod sa kapwa kasabay ng pagdiriwang ng Eid’l Fitr nitong Lunes, na hudyat ng pagtatapos ng Ramadan.
Ayon kay Marcos, higit pa sa relihiyosong kahulugan, ang tunay na diwa ng Eid ay ang pagtulong sa nangangailangan at pagpapalaganap ng kasiyahan sa komunidad.
“Ang Eid’l Fitr ay hindi lang isang selebrasyon kundi isang patunay ng ating pagkakaisa bilang isang sambayanan,” aniya.
Binigyang-diin niya na ang tunay na kapayapaan at pagkakaisa ay makakamit lamang sa pamamagitan ng buhay na puno ng malasakit at pagtanggap sa isa’t isa, na siyang aral ni Propeta Muhammad.
Hinimok din ng Pangulo ang bawat Pilipino na magpakita ng kabutihan, makilahok sa mga pag-uusap na nagpapalalim ng pagkakaunawaan, at sumali sa mga aktibidad na nagbubuklod sa mga komunidad.
Samantala, inanunsyo ng Bangsamoro Grand Mufti Sheikh Abdulrauf Guialani na opisyal nang ipinagdiriwang ang Eid’l Fitr ngayong Lunes matapos makita ang bagong buwan. Dahil dito, idineklarang regular holiday ang Lunes sa Bangsamoro Region, habang itinakda ng Malacañang ang Abril 1 bilang holiday para sa buong bansa. | via Allan Ortega | Photo via PNA
#D8TVNews #D8TV