PBBM, itinulak ang pagpapalawak ng ugnayang pang-ekonomiya sa UN

Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas pinalawak na kooperasyon sa larangan ng ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas, Vietnam, at ng United Nations (UN).


Sa mga side meeting ng ika-47 ASEAN Summit, nakipagtagpo si Marcos kay UN Secretary General Antonio Guterres at Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh.

Pinuri niya ang tulong ng Vietnam sa Pilipinas tuwing tagtuyot at kakulangan sa bigas, habang kapwa nila ipinangako ang pagpapalakas ng ugnayang bilateral, lalo na sa ekonomiya at seguridad.


Sa pakikipagpulong kay Guterres, tinalakay ni Marcos ang pagpapanatili ng kapayapaan, kaunlarang pang-ekonomiya, at pagkakapantay-pantay sa lipunan.

Giit niya, patuloy na magiging “champion” ng climate action ang Pilipinas at maaasahang katuwang ng UN.


Sa 15th ASEAN-UN Summit, nanawagan si Marcos ng inklusibong pag-unlad na “walang maiiwan,” at iginiit ang kandidatura ng bansa para sa non-permanent seat sa UN Security Council sa 2027–2028 upang itaguyod ang rule of law at mapayapang resolusyon ng sigalot.


Ipinunto rin ng Pangulo na pinagtibay ng Pilipinas ang Agreement on Marine Biological Diversity of Areas Beyond National Jurisdiction (BBNJ) isang hakbang para ipakita ang pagsunod sa international law, lalo na sa UNCLOS at sa 2016 South China Sea Arbitral Award.


Dagdag niya, patuloy ang bansa sa pagsusulong ng UN Sustainable Development Goals at hinihikayat ang ASEAN na gamitin ang ugnayan nito sa UN upang mapabilis ang makabuluhang pag-unlad. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *