Inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong AI-driven transparency portal para sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na itinuturing niyang pinakamalakas na hakbang ng pamahalaan laban sa mga isyu ng ghost projects, kickbacks, at anomalya sa flood control projects.
Sa isang press briefing sa Malacañang, tinawag ni Marcos ang portal bilang “third phase” ng tugon ng administrasyon sa iskandalo. Matapos matukoy ang mga depektibo o hindi umiiral na proyekto at ang mga responsable, sinabi niya na susunod ang systematic reform.
“Isa sa mga malinaw na lumitaw sa imbestigasyon ay nawala ang transparency. Hindi nakikita ng tao kung ano talaga ang nangyayari sa loob ng pamahalaan,” ani Marcos.
Binanggit niya na pati mga lokal na opisyal ay pinipigilan ng kontratista sa pag-inspect ng proyekto.
Pinapahintulutan ng DPWH Transparency Portal ang publiko na maghanap ng mga infrastructure projects ayon sa lokasyon at makita agad ang implementing offices, contractors, budgets, accomplishments, target dates, procurement data, at opisyal na dokumento.
Maaaring markahan ng mga gumagamit ang proyekto bilang kumpleto, depektibo, duplicate, hindi tapos, o ghost project.
Kasama rin sa portal ang geotagged photos mula pre-construction hanggang completion, satellite images mula sa Philippine Space Agency at pribadong partner, at procurement livestreams kabilang ang real-time bidding.
May conversational AI assistant sa Filipino at English para mas madaling mag-navigate kahit sa hindi techie.
Pinayuhan ni Marcos ang publiko na suriin ang mga proyekto at i-report ang anomalya. “Huwag kayong magdalawang-isip. Isumbong ninyo,” ani niya.
Ayon pa sa Pangulo, transparency ang susi sa muling pagtitiwala ng publiko. “Sunlight is the best medicine. I-open ang lahat sa liwanag dahil kailangang malaman ng tao.”
Access sa portal: https://www.transparency.dpwh.gov.ph/ | via Allan Ortega
