Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng publiko laban sa Nipah virus, na muling nagdulot ng pangamba sa ilang bahagi ng Asya dahil sa mataas nitong fatality rate.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Usec. Atty. Claire Castro, mahigpit na mino-monitor ng Department of Health at Bureau of Quarantine ang sitwasyon kaugnay ng virus.
Sinabi ni Castro na nakaayon ang mga health protocol ng DOH sa pinakahuling updates na inilabas ng World Health Organization (WHO).
Dagdag pa niya, nagsasagawa rin ang pamahalaan ng information campaign upang ipaalam sa publiko ang mga karaniwang sintomas ng Nipah virus tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, at hirap sa paghinga, gayundin ang mga paraan ng transmission gaya ng direktang pakikipag-ugnayan sa mga hayop tulad ng paniki at baboy, at pagkain ng kontaminadong prutas.
Samantala, nanawagan naman ang ilang infectious disease expert sa publiko, lalo na sa mga matatanda at may mga comorbidities, na magsuot ng face mask at ipagpatuloy ang basic health habits gaya ng regular na paghuhugas ng kamay.
Anila, hindi kinakailangan ang mahigpit na international border control, ngunit dapat ipagpatuloy ng Bureau of Quarantine ang regular na health checks.
Batay sa WHO, ang Nipah virus ay maaaring maipasa mula sa hayop patungo sa tao, partikular mula sa fruit bats sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain, o kaya ay direktang transmission mula tao sa tao. | via Judea Bernardo, D8TV News
