PBBM, inaprubahan 5-taong rehistro sa mga bagong sasakyan

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng bisa ng rehistro ng mga bagong sasakyan mula tatlong taon tungo sa limang taon.

Ibig sabihin nito, mas kaunting biyahe sa Land Transportation Office (LTO) at mas mababang gastos para sa mga may-ari ng sasakyan.

Iminungkahi ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapalawig na ipatutupad sa pamamagitan ng mga opisyal na memorandum.

Dahil mas mahaba ang bisa ng rehistro, mababawasan ang pagre-renew, iikli ang pila sa mga tanggapan ng LTO, at bibilis ang mga transaksyon.

Bahagi ito ng mas malawak na pagpapahusay ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon.

Kabilang dito ang pag-upgrade ng mga istasyon ng MRT-3, pagpapalawak ng cashless payment systems, at pagre-refurbish ng mas maraming tren upang madagdagan ang kapasidad ng mga pasahero.

Kasabay nito, tuloy ang malalaking proyekto tulad ng North-South Commuter Railway, MRT-7, at Metro Manila Subway.

Inaasahang magkakaroon ng bahagyang operasyon ang ilan sa mga ito sa pagitan ng 2027 at 2028, habang target naman ang buong operasyon ng subway pagsapit ng 2033.

Sa kabuuan, layunin ng hakbang na gawing mas maginhawa at episyente ang pagmamay-ari at paggamit ng sasakyan sa bansa. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *