Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang media na palakasin ang pakikipagtulungan sa gobyerno upang labanan ang paglaganap ng fake news.
Sa year-end fellowship kasama ang Malacañang Press Corps, sinabi niyang lumalala ang mis- at disinformation at nakakaapekto na ito sa tamang talakayan at pagdedesisyon ng publiko.
Hindi na umano ito simpleng online kalokohan kundi isang seryosong banta.
Ayon sa Pangulo, nakakapangamba na napapantayan ng mga walang-basehang conspiracy theories sa social media ang kredibilidad ng mga journalist na may sapat na pagsasanay at karanasan.
Kung dati raw ay nakakatawa lang ang fake news, ngayo’y nakakasira na ito at lumilikha ng kalituhan, maling pananaw, at pagkalunod ng totoong ulat sa gitna ng ingay online.
Nagpahayag si Marcos ng pag-asa na mapagtitibay ang magandang ugnayan ng administrasyon at media para mas epektibong malabanan ang hamon ng misinformation.
Pinuri rin niya ang dedikasyon ng mga mamamahayag sa kabila ng mabilis na pagbabago sa media landscape at pinasalamatan ang kanilang patuloy na pakikipagtulungan. | via Allan Ortega
