Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta-Marcos ang Annual Christmas Tree Lighting Ceremony sa Kalayaan Grounds, Malacañang nitong Linggo, November 23.
Binigyang-diin ng Pangulo na espesyal ang Pasko para sa mga Pilipino dahil panahon ito para makasama ang pamilya at mga mahal sa buhay.
Dagdag pa nito, ito rin ang panahon para makauwi ng bansa ang mga Pilipinong nasa abroad upang makapiling ang kanilang pamilya.
Pinanood ng First Couple at mga bisita ang “Puso ng Pasko,” isang Filipino Christmas ballet na itinanghal ng Alice Reyes Dance Philippines, kasama ang Manila Symphony Orchestra at Ryan Cayabyab Singers.
Binigyang-parangal din ng Pangulo at First Lady ang top 3 winners at top 3 special awardees ng “Isang Bituin, Isang Mithiin” nationwide parol-making contest. Sa ika-apat na taon nito, nakatanggap ang kompetisyon ng 133 entries mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) training institutes sa buong bansa.
Sa temang “Ilaw ng Bayan: Parol ng Pag-asa at Pagkakaisa,” tampok sa parol-making contest ang husay ng Filipino craftsmanship at ang natatanging paraan ng pagdiriwang ng Paskong Pinoy. | via Andrea Matias
