PBBM: Ang sama-samang pagsisikap ay magbubukas ng daan sa kaunlaran at katatagan ng bansa

Sa ika-127 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang bayanihan ng bawat Pilipino ang pundasyon ng kaunlaran at katatagan ng bansa.

Sa kanyang talumpati, hinikayat ni Marcos ang mamamayan na ipagpatuloy ang laban ng mga bayani sa pamamagitan ng pagtatanggol sa kalayaan, karapatan, at soberanya ng Pilipinas.

“Gamitin natin ang ating kalayaan para sa kapakanan ng sambayanan,” aniya.

Binigyang-diin ng pangulo ang pagtutol sa mga nais sirain ang lakas ng sambayanan at panawagan sa lahat na patuloy na linangin ang sarili para sa ikauunlad ng bayan.

“Gumawa tayo ng isang bansang karapat-dapat sa sakripisyo ng ating mga bayani.”

Inalala rin ni Marcos ang unang pagwagayway ng bandila noong 1898 sa Kawit, Cavite—isang makasaysayang tagumpay na bunga ng mahaba, mahirap, at madugong laban para sa kalayaan.

Ngayong araw, pangungunahan niya ang pagtaas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa Rizal Park, susundan ng Independence Day Parade sa Quirino Grandstand at isang Vin d’honneur sa Palasyo ng Malacañang kasama ang mga opisyal ng pamahalaan at diplomatiko.

“Ang kalayaang iniwan sa atin ng ating mga ninuno ay inspirasyon upang maglingkod para sa bayan at sangkatauhan,” dagdag ni PBBM. | via Allan Ortega | Photo via PNA

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *