Binalaan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga barangay officials hinggil sa korapsyon sa kanyang State of the City Address 2025 kahapon, October 13.
Ayon kay Sotto, pinaglaban at pinagtuunan ng pamahalaan ng Pasig ang maayos na pamumuno simula 2019, at sa taong ito ay patuloy pa rin ang paglaban sa luma at tiwaling pamamaraan sa pamahalaang barangay.
“Ayusin muna natin ang nasa bakuran natin, ayusin muna natin kung ano yung nasasakupan natin. Hinihikayat ko po ang ating mga barangay officials na mag-ayos ayos naman po tayo,” giit niya.
Dagdag pa ni Sotto, marami sa barangay ang maayos at maganda ang serbisyo, ngunit may ilang opisyal umano na iba ang ginagawa.
“Huwag kayong magmamalaki sa akin na malakas kayo kay COA Commissioner Lipana, gagawin natin kung ano ang tama sa lungsod ng Pasig,” aniya.
Tinutukoy rito ni Sotto si COA Commissioner Mario Lipana na nagsilbi mula 2022 at kasalukuyang iniimbestigahan ng Ombudsman kaugnay sa umano’y pagkakasangkot nito sa isyu ng flood control matapos ang mga alegasyon na ang kanyang asawa ay kontratista sa mga proyekto ng pamahalaan.
Sa isang Facebook post, muling iginiit ng alkade ang kanyang babala matapos niyang ibahagi ang clip ng kanyang talumpati na may caption na: “Enough is enough.” | via Andrea Matias
