Inaresto ng awtoridad ang isang babae matapos umano itong gumawa ng “bomb joke” habang nakasakay sa eroplano sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa pahayag ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEG) nitong Miyerkules, January 28, nangyari ang insidenteng ito noong January 26, nang magbiro umano ang babaeng pasahero habang siya ay tinutulungan ng isang cabin crew na ilagay ang kanyang maleta sa overhead bin.
“Oo, itaas ‘yan baka sabihin may bomba,” biro ng babae.
Agad naman itong pinagsabihan ng cabin crew bago magsumbong sa nakatataas.
Ang insidenteng ito ang naging dahilan sa pagkakaaresto ng pasahero.
Pinaalalahanan ni PNP-AVSEG Director PBGen. Dionisio Bartoleme Jr., ang publiko na dapat seryosohin ng mga pasahero ang seguridad sa airport, sapagkat ang biro patungkol sa bomba ay isang criminal offense at bibigyan ito ng naaayon na parusa.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Naia Police Station 3 ang babaeng pasahero habang hinahanda ang criminal complaints laban sa kanya para sa paglabag nito sa Article 287 of the Revised Penal Code (Unjust Vexation) at Presidential Decree No. 1727 (Bomb Joke Law). | via Kimberly Reyel, D8TV News Intern
