Partial Blue Ribbon report, 4 pa lang ang pirma

Mabagal pero tuloy ang pag-usad ng partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, chairman ng komite, apat pa lamang sa siyam na kinakailangang pirma ang nakalap bago maihain ang ulat sa plenaryo. Bukod kay Lacson, pumirma rin sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Kiko Pangilinan, at Sen. Bam Aquino sa draft report na ipinamahagi noong February 11.

Kapag nakumpleto na ang mayorya o siyam na pirma mula sa 17 miyembrong komite, ihaharap ang ulat sa Senate plenaryo, kung saan ito pagdedebatehan bago tuluyang pagtibayin.

Samantala, kinumpirma ni Sen. Rodante Marcoleta na hindi niya pipirmahan ang partial report, na kinukuwestiyon umano ang imbestigasyon ng komite. Iginiit naman ni Lacson na may 20 hard copies ng report na ipinamigay, at hiwalay ang pahina para sa lagdaan.

Kapag nakumpleto na ang mga pirma, inaasahang ihaharap ang ulat na nagrerekomenda ng mas malalim na imbestigasyon sa ilang indibidwal, kabilang ang tatlong dating senador na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects. | via Ghazi Sarip, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *