Panukalang emergency powers sa fuel excise tax, lusot sa 2nd reading

Inaprubahan ng House of Representatives of the Philippines sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Sa pamamagitan ng viva voce voting, pinagtibay ng mga mambabatas ang House Bill No. 8418, na nagpapahintulot sa Pangulo na ipatupad ang suspensiyon o pagbawas ng buwis sa fuel nang hanggang anim na buwan.

Sa ilalim ng panukala, maaari lamang ipatupad ang hakbang kapag ang average price ng Dubai crude oil ay lumampas sa 80 dolyar kada bariles sa loob ng isang buwan bago ipatupad ang suspensiyon o bawas-buwis. Mananatili naman ang karagdagang kapangyarihang ito ng Pangulo hanggang Disyembre 31, 2028.

Nakasaad din sa panukala na awtomatikong ititigil ang suspensiyon kapag nawala na ang mga kondisyong nagbigay-daan dito, at ibabalik din agad ang excise tax matapos ang itinakdang panahon nang hindi na kailangan ng panibagong aksiyon mula sa ehekutibo o lehislatura.

Nauna nang nanawagan ang ilang transport groups na suspindihin ang excise tax sa langis kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng fuel dahil sa tensyon sa pagitan ng Iran, United States, at Israel. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *