Naghahanda ang militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN na maghain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte pagdating ng February 5, 2026, matapos ang isang taong ban sa paghahain ng ganitong reklamo.
Ayon kay BAYAN chair Teddy Casiño, tuloy ang plano dahil “bitin” ang unang proseso na hindi umabot sa trial. Posible ring dumami ang grounds dahil may ibang grupong interesado ring magsampa ng reklamo, bagama’t naniniwala ang BAYAN na pinakamalakas pa rin ang orihinal nilang basehan.
Kasabay nito, sinusuri rin ng grupo ang Supreme Court ruling na nagdeklara sa naunang impeachment bilang unconstitutional at nagdagdag ng mas mahihigpit na kondisyon.
Nakatutok ang panibagong reklamo sa umano’y pagkawala ng tiwala ng publiko dahil sa misuse ng confidential funds ng OVP at DepEd noong panahon ng dating pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang apat na impeachment complaints ang nauna nang naihain laban sa Bise. Ang ika-apat, na may suporta ng higit 200 congressmen, ay nagresulta sa impeachment nito pero inarchive lang ito ng Senado noong August 2025.
Nagpahayag naman ang Akbayan Party-list na handa silang sumuporta sa panibagong kaso sa 2026. Patuloy namang hinihingan ng komento ang kampo ng Bise Presidente.
