Nanatili umano ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Tourism Secretary Christina Frasco sa kabila ng mga batikos na kinakaharap ng Department of Tourism.
Ito ang sinabi ni Frasco nang tanungin sa gitna ng pagbubukas ng ASEAN Tourism Forum 2026 sa Mactan Shrine kung patuloy pa rin ba ang suporta ng Pangulo sa kanya.
Ayon kay Frasco, nagpapasalamat siya sa Pangulo at sa pambansang pamahalaan sa patuloy na pagsuporta sa sektor ng turismo sa bansa.
Ito ay kasunod ng mga akusasyon ng ilang kritiko na nagkaroon ng self-promotion ang kalihim.
Nauna na ring sinagot ni Frasco ang mga puna na mas madalas lumalabas ang kanyang larawan sa Facebook at social media pages ng DOT kaysa sa mga tourist destination.
Paliwanag niya, ang corporate social media pages ng ahensiya ay para sa pag-uulat ng mga gawain ng DOT kaugnay ng tourism development, habang ang promosyon ng mga destinasyon ay inilalagay sa opisyal na “The Philippines” tourism pages. | via Judea Bernardo
