Mayroon nang naitalang apat na namatay at tatlong indibidwal ang sugatan ang Office of Civil Defense (OCD) sa pananalasa ng tropical storm Basyang sa bansa.
Ayon kay OCD Joint Information Center head Diego Mariano, patay ang apat na myembro ng isang pamilya na mula sa Barangay Agusan sa Cagayan de Oro dahil sa landslide.
Dagdag pa ng opisyal, mayroong 30,000 katao mula sa Region 10 ang apektado ng sama ng panahon at nasa higit 100,000 katao naman ang sinalanta mula sa CARAGA Region.
Batay sa weather bulletin ng PAGASA ngayong umaga, huling namataan ang Bagyong Basyang sa katubigan ng Malimono, Surigao del Norte matapos itong mag landfall sa Agusan del Norte.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa lahat ng commander ng pulisya na dadaanan ng bagyo na humanda at mag-standby para sa quick deployment.
Inatasan din nito ang mga hepe na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para rumesponde sa anumang pangangailangan lalo na sa search and rescue. I via Allen Ibañez
