Nagkaroon ng kauna-unahang babaeng prime minister ang Japan matapos mahalal si Sanae Takaichi, lider ng Liberal Democratic Party (LDP), sa boto ng mababang kapulungan nitong Martes. Si Takaichi, 64, ay haharap sa malaking hamon bilang ikalimang prime minister ng Japan sa loob ng limang taon, kabilang na ang nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa susunod na linggo.
Dating heavy metal drummer at tagahanga ni Margaret Thatcher, si Takaichi ay kilala sa kanyang konserbatibong paninindigan. Nabuo ang kanyang bagong pamahalaan matapos kumalas ang Komeito Party dahil sa isyu ng pondo, kaya’t nakipag-alyansa siya sa Japan Innovation Party (JIP).
Ipinangako ni Takaichi na palalakasin ang ekonomiya at bibigyan ng higit na boses ang kababaihan sa pamahalaan, na kasalukuyang may mababang gender equality ranking (118 sa 148 bansa). Gayunman, nananatili siyang tutol sa pagpapalit-apelyido ng mag-asawa at sa pagbibigay ng karapatan sa babae sa trono ng imperyo.
Kabilang sa mga isyung haharapin niya ang pagbagsak ng populasyon, mahinang ekonomiya, at ang relasyon sa China at US. Bagaman bumitaw siya sa ilang patakaran ng “Abenomics,” tumaas ang Japanese stocks matapos ang kanyang pagkapanalo.
Maraming mamamayan ang umaasang dadalhin ni Takaichi ang boses ng kababaihan at mga repormang magpapagaan sa buhay ng mga ordinaryong Hapon. | via Allan Ortega
Panalo si Sanae Takaichi sa botohan ng parlamento bilang kauna-unahang babaeng punong ministro ng Japan
