Palasyo: Walang sisinuhin sa sabungero case

Tiniyak ng Malacañang na mananagot ang lahat ng may kinalaman kaugnay ng kaso ng mga missing sabungeros sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Ito ay kasunod ng paglantad ni Julie “Dondon” Patidongan, o alyas “Totoy,” na nagdawit sa negosyante Charlie “Atong” Ang at sa aktres na si Gretchen Barretto sa umano’y pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero.

Nilinaw ni Palace Press Officer Claire Castro na ang Department of Justice (DOJ) at iba pang law enforcement agency ang mangunguna sa pagbantay ng kaso.

Gayunman, tiniyak ni Castro na hindi papanig si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kahit na sino, kahit pa mga kilalang personalidad ang nadadawit.

“Sinuman, ano man ang katayuan sa buhay, kung sila man ay personalidad na kinikilala, wala pong sisinuhin ang Pangulo at administrasyon,” ani Castro.

“Kung dapat lang pong may panagutan, dapat lamang pong maimbestigahan ng mabuti para mabigyan ng hustisya ang pamilya ng sinasabi nating missing sabungeros.” Dagdag pa niya.

Sa posibilidad namang gawing state witness si alyas “Totoy”, sinabi ni Castro na nakadepende ito sa magiging evaluation ng DOJ. | via Clarence Concepcion

“Ie-evaluate po ang testimony niya [ng DOJ] at kung sino pa ang ibang mga witnesses na pwedeng gawing state witness. Depende po iyan sa kanilang katapangan, sa katotohanan na sasabihin nila, at ‘yung pagkakataon na mag-recant sila ng testimony,” paliwanag ni Castro. | via Clarence Concepcion | Photo via PNP PIO

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *