Kumpiyansa ang Palasyo na mapipirmahan ang panukalang 2026 budget bago matapos ang taon.
Kasunod ito ng nakatakdang pagratipika ng pondo sa darating na December 29, tatlong araw bago matapos ang taon.
Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na bagama’t limitado na lamang ang panahon ay pipilitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabusisi at mapirmahan ang panukalang pondo.
Ayon pa kay Castro, kahit na naaral na ito nang mabuti ng Kongreso ay aaralin pa rin ito ng Pangulo dahil nais nito ng makatao at maayos na pondo para sa mga Pilipino.
Tiniyak din niya na kahit walang tulugan at Christmas break ay gagawin ito ng Pangulo at mai-veto kung may dapat na mai-veto.
