Handa raw si Pangulong Marcos na ipakita ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) sa mga tamang awtoridad gaya ng Office of the Ombudsman, ayon sa Malacañang nitong Sabado.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, susunod ang Pangulo sa mga itinakdang patakaran ng Ombudsman sa paglalabas ng SALN, at hindi ito dapat gamitin bilang “sandata sa pulitika” o paninira sa opisyal ng gobyerno.
Sinabi rin ni Executive Secretary Lucas Bersamin na dapat may “makatuwirang dahilan” ang sinumang humihiling ng SALN dahil may sensitibong impormasyon ito na maaaring makompromiso ang seguridad ng mga opisyal.
Gayunman, umalma si House Deputy Minority Leader Leila de Lima sa pagkabalam ng paglalabas ng SALN ng Pangulo at ng kanyang Gabinete. Aniya, kung seryoso ang administrasyon sa kampanya laban sa korapsyon, dapat magsimula ito sa pagiging bukas at tapat sa sariling yaman.
Giit ni De Lima, “Kung talagang tapat sa transparency at accountability, dapat mismong Pangulo ang manguna sa paglalantad ng kanyang SALN at hikayatin din ang kanyang Gabinete na gawin ito.”
Sa ngayon, 11 lamang sa 317 mambabatas ang boluntaryong naglabas ng kanilang SALN. | via Allan Ortega
Palasyo: Handa si Marcos Jr. na ilabas ang kanyang SALN
