Nagsagawa na ng internal review ang Philippine Airlines (PAL) matapos kumpirmahin ang pagkakaroon ng inflight lavatory malfunction o pagkasira ng mga banyo sa loob ng flight PR113, isang Boeing 777 na bumabiyahe mula Los Angeles patungong Maynila noong Enero 11, 2026.
Ayon sa pahayag ng airline, inihanda na ang eroplano para sa posibleng diversion o paglapag sa Guam station upang asikasuhin ang mga pasahero at crew kung kinakailangan.
Gayunpaman, matapos ang masusing teknikal at operasyonal na pagtatasa ng mga piloto at cabin crew, nagdesisyon silang ituloy ang flight patungong Maynila.
Batay sa huling ulat ng crew, bumalik sa normal na operasyon ang mga banyo bago lumapag ang eroplano, at ligtas na natapos ang biyahe nang walang anumang karagdagang insidente.
Humingi na ng paumanhin ang PAL sa abalang idinulot nito at pinasalamatan ang pasensya ng mga pasahero.
Kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) bilang bahagi ng kanilang pagsusuri.
Iginiit ng flag carrier na prayoridad nila ang kaligtasan at kapakanan ng lahat, ngunit tumanggi muna silang magbigay ng komento sa mga partikular na espekulasyon hangga’t hindi natatapos ang kanilang imbestigasyon. | via Jolina Oblea, D8TV News Intern
