Pagkukulang ng MARINA, Aleson Shipping sa Basilan sea tragedy, binusisi sa Kamara

Mistulang “window dressing” at tila pa-”impress” lang – yan ang tingin ng mga mambabatas sa naging presentasyon ng Maritime Industry Authority o Marina sa pagdinig kaugnay sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3.

Ganito binatikos ni Rep. Franz Pumaren ang mga pahayag ni Engr. Emmanuel Carpio ng Marina, hinggil sa mga naging posibleng kakulangan ng mga otoridad at ng Aleson Shipping Lines sa paglubog ng barko lulan ang mahigit tatlundaang crew at pasahero.

Imbes umanong pag-usapan ang seaworthiness at emergency and safety capability ng Aleson Shipping Lines, mistulang sumentro ang mga pahayag ni Carpio sa pagpapa-impress sa komite, na tila nagpapa-approve ng budget ng isang ahensya.

Ito’y matapos ilahad ni Carpio na nasuspinde na nila ang lahat ng Aleson Shipping Line vessels upang matiyak na hindi ito magsasagawa ng anumang operasyon habang gumugulong ang imbestigasyon ng MARINA.

Hindi rin nakalusot ang ginawang alteration sa MV Trisha Kerstin 3, kung saan mula sa orihinal na istruktura nito na mayroong isang deck, nadagdagan ito ng dalawa pa.

Puna ni naval architect Engr. Pillos Cartel III, isang “major alteration” ang naging pagbabago sa barko, na posible ngang makaapekto sa kakayanan ng barko, bilang isang pampasaherong sasakyang pandagat. | via Judea Bernardo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *