Pagkilos ni Trump para wakasan ang congestion pricing sa New York, nagdudulot ng hamon sa batas

NEW YORK — Pinatigil ng gobyerno ng US nitong Miyerkules ang congestion pricing scheme ng New York, isang programa upang bawasan ang trapiko at pondohan ang pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng toll sa mga sasakyang papasok sa Manhattan.
Ang $9 toll para sa mga motorista na pumapasok sa timog ng Central Park ay sinimulan noong Enero. Ngunit inalis ng Transport Secretary na si Sean Duffy ang aprubadong programa, na nagdulot ng matinding reaksyon mula sa mga opisyal ng lungsod.
Tinawag ni Duffy ang plano na isang insulto sa mga manggagawa at maliliit na negosyo, habang ipinagbunyi naman ni US President Donald Trump ang desisyon sa kanyang Truth Social account.
Sumagot si New York Governor Kathy Hochul, na sumusuporta sa programa, at sinabing lalaban sila sa korte. Mabilis ding nagsampa ng kaso ang Metropolitan Transportation Authority (MTA) upang ipagpatuloy ang programa, na diumano’y matagumpay sa pagbawas ng trapiko at polusyon.
Samantala, kinondena ng environmental group na Evergreen Action ang desisyon ng gobyerno bilang isang “iligal at mapanganib” na hakbang laban sa mga patakarang pangkapaligiran. – Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *