Ipinagdiwang ni Senador Jinggoy Estrada ang kahanga-hangang tagumpay ng 141-kataong delegasyon ng Pilipinas sa Asian Youth Games (AYG) 2025 sa Bahrain, kung saan nakamit ng bansa ang pinakamalaking medal haul at pinakamahusay na performance sa kasaysayan ng kumpetisyon.
Nagtapos ang Pilipinas sa ika-12 na pwesto na may 24 medals: 7 gold, 7 silver, at 10 bronze, at pangalawa sa Timog-Silangang Asya, talo lamang sa Thailand.
Lumahok ang mga atleta sa 18 sports, kabilang ang volleyball, athletics, boxing, swimming, taekwondo, jiu-jitsu, weightlifting, at teqball.
Itinampok ang mga gold medalist tulad nina Kram Airam Carpio (Pencak Silat), Pi Durden Wangkay (Athletics), Charlie Ratcliff (MMA), at Isabella Joseline Butler (Jiu-Jitsu). Kasama rin sa silver at bronze ang iba pang kabataan mula sa iba’t ibang sports.
Ayon kay Estrada, ang tagumpay ng mga kabataang atleta ay patunay na ang disiplina, dedikasyon, at suporta sa sports sa kabataan ay nagbubunga ng world-class na resulta, at kinilala rin niya ang mga coaches, trainers, at opisyal sa likod ng tagumpay.
Ang AYG ay isang quadrennial na multi-sport event para sa kabataang atleta 14–17 taong gulang, kinikilala bilang pangalawa sa pinakamalaking kontinental na kompetisyon pagkatapos ng Asian Games, na ngayong taon ay dinaluhan ng mahigit 8,000 atleta mula sa 45 bansa sa 26 sports. | via Allan Ortega
