Mas lolobo ang utang ng bansa kapag umabot na sa ₱60 ang palitan ng piso kontra dolyar, isang pangyayaring nais umanong iwasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, kapag nangyari ito, tiyak na tataas ang halaga ng utang ng pamahalaan dahil sa epekto ng foreign exchange rate.
Dagdag pa ni Castro, ayaw umano ng Pangulo na umabot sa ganitong antas ang palitan ng piso, kaya’t inaabangan ang magiging hakbang at talakayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP kaugnay nito.
Noong Enero 15, nagsara ang piso sa ₱59.46 kada dolyar, mas mababa kaysa sa dating historic low na ₱59.44 na naitala isang araw bago nito.
Sa loob ng bansa, naaapektuhan ang piso ng inflation, trade deficit, remittances, at polisiya ng BSP.
Sa labas naman, malaking impluwensya ang desisyon ng US Federal Reserve, global oil prices, at investor sentiment.
Bagama’t may mga benepisyong dulot ang mahinang piso, lalo na sa overseas Filipino workers, freelancers, exporters, at BPO firms, may kaakibat din itong hamon tulad ng pagtaas ng presyo ng imported goods at posibilidad ng mas mataas na inflation. | via Ghazi Sarip
