Itinigil ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng poultry mula sa apat na estado ng Amerika—Illinois, Minnesota, Ohio, at Wisconsin—upang pigilan ang pagkalat ng bird flu sa Pilipinas.
Sa ilalim ng Memorandum Order No. 11, ipinagbawal ang pagpasok ng domestic at wild birds pati na rin ang kanilang mga produkto tulad ng karne, itlog, sisiw, at semilya. Ang kautusan ay inilabas matapos kumpirmahin ng US ang ilang kaso ng avian influenza noong Pebrero 3, 2025.
Agad na ipinahinto ng DA ang pagproseso at pagbibigay ng sanitary at phytosanitary import clearance para sa mga nabanggit na produkto. Inutusan din ang mga quarantine inspectors na kumpiskahin ang anumang poultry na manggagaling sa naturang mga estado.
Gayunpaman, hindi sakop ng ban ang mga produkto na nasa biyahe na bago pa maipatupad ang kautusan, basta’t ang mga ito ay nagmula sa mga hayop na kinatay o naproseso 14 na araw bago ang unang naitalang outbreak.
Ang US ay isang pangunahing supplier ng karne sa Pilipinas, na may 15.2% ng export market share noong nakaraang taon. Ayon sa Bureau of Animal Industry, tumaas ng 20.8% ang meat imports noong 2024, na umabot sa 1.45 milyong metriko tonelada mula sa 1.2 milyong metriko tonelada noong 2023. – Allan Ortega
Pagaangkat ng manok mula sa 4 na estado ng US, Bawal muna!
