Inaasahang mas marami pang rebelasyon ang mailalantad sa ikalawang araw ng confirmation of charges hearing ng International Criminal Court (ICC), laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim kampanyang “Oplan tokhang” at iba pang operasyon ng mga barangay.
Kabilang sa tatalakayin sa pagdinig ang oplan tokhang, oplan double barrel at ang drop box system ng pagrereport ng mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa mga barangay.
Ito ang ilan sa mga pangunahing proyekto ng Philippine National Police sa unang taon ng kampanya kontra droga ng dating pangulo.
Nauna nang iniulat ng philippine national police na nasa mahigit 3,800 katao ang nasawi sa mga operasyong kontra droga mula 2016 hanggang oktubre 2017, kung saan iginiit ng pulisya na nanlaban umano ang mga suspek.
Noong March 12, 2025, isinailalim sa kustodiya ng international criminal court si duterte matapos arestuhin sa maynila kaugnay ng kasong pagpatay na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra droga, kung saan libo-libong pinaghihinalaang tulak at gumagamit ng droga ang napatay.
Ayon kay Kristina Conti, abogado ng mga biktima sa ilalim ng rise up for life and for rights network, ipapaliwanag ng prosekusyon kung paano isinagawa ang mga operasyong tokhang, magbibigay ng mga halimbawa at maghahain ng ebidensya upang maituloy ang kaso sa paglilitis.
Sinabi ni conti na hindi napigilan ng ilang kaanak ng mga biktima ng extrajudicial killings o ejk ang kanilang emosyon habang dumadalo sa unang araw ng pagdinig.
Samantala, itinuring na pangunahing polisiya ng administrasyon ni duterte ang “war on drugs” matapos siyang mahalal noong 2016 sa kampanyang nakatuon sa maigting na paglaban sa kriminalidad at ilegal na droga. | via Judea Bernardo, D8TV News
