Ombudsman Remulla, humihiling ng travel ban para sa 77 katao kaugnay ng imbestigasyon sa flood control project

Inutusan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang Bureau of Immigration (BI) na magpatupad ng foreign travel restriction order laban sa 77 opisyal at pribadong indibidwal na iniimbestigahan dahil sa umano’y maanomalyang flood control projects.


Ayon kay Remulla sa isang press briefing nitong Miyerkules, kabilang sa mga ipagbabawal bumiyahe ay ilang mambabatas at contractors. Giit niya, “Kung under investigation ka at bahagi ka ng gobyerno, hindi ka dapat umaalis ng bansa.”


Nilinaw rin niya na hiwalay ito sa Precautionary Hold Departure Orders (PHDO) ng Sandiganbayan, na nauna nang ibinaba para sa mga opisyal na dawit sa parehong proyekto mga nasa kustodiya na at mga pinaghahanap pa.


Pinaalala rin ni Remulla na ang mga nasa gobyerno ay kailangang humingi ng travel authority kahit personal o opisyal ang biyahe, kaya’t malinaw umanong hindi dapat lumabas ng bansa ang mga iniimbestigahan.


Noong Nobyembre 21, naglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan laban kay Zaldy Co at 15 pang iba kaugnay ng anomalya sa flood control project sa Oriental Mindoro.


Sila ay nahaharap sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at malversation na isinagawa umano sa pamamagitan ng pamemeke ng public documents.


Noong Nobyembre 24, iniulat ng mga awtoridad na walo sa 16 na akusado ang nadakip na. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *