Binigyan ng pitong araw na ultimatum ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang mga bagong talagang opisyal ng Office of the Ombudsman upang magsumite ng kanilang courtesy resignation.
Sakop ng utos na may petsang Oktubre 22 ang mga opisyal na naitalaga mula Mayo 29 hanggang Hulyo 27 ngayong taon kabuuang 99 katao, kabilang ang dalawang assistant ombudsman, apat na direktor, tatlong graft investigation officers, 60 graft investigation at prosecution officers, at 30 assistant special prosecutors.
Ang mga sahod nila ay nasa ₱111,000 hanggang ₱180,000 kada buwan, at karamihan sa kanila ay naitalaga bago magretiro si dating Ombudsman Samuel Martires noong Hulyo.
Hinimok din ni Remulla ang mga empleyadong may salary grade 24 pababa na maghain ng kanilang courtesy resignations. Gayunman, kailangan pa rin nilang mag-report sa trabaho habang wala pang aksiyon sa kanilang kaso.
Ayon kay Remulla, may 204 “midnight appointees” siyang nadiskubre sa ahensiya mga bagong appoint na diumano’y inilagay bago matapos ang termino ni Martires. Aniya, hindi tama ito at maaaring makasira sa morale ng matagal nang kawani.
Humingi na rin siya ng tulong sa Civil Service Commission upang ayusin ang isyu. | via Allan Ortega
Ombudsman iniutos ang pagbibitiw ng 99 opisyal
