Ombudsman, hiniling sa mahigit 200 bagong empleyado na magsumite ng kanilang courtesy resignation

Hiniling ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa 204 na bagong empleyado ng Office of the Ombudsman na magsumite ng kanilang courtesy resignation at muling mag-apply sa kanilang mga posisyon.
Ayon kay Remulla, ang mga naturang empleyado ay na-hire noong Hulyo, o sa pagtatapos ng termino ng dating Ombudsman na si Samuel Martires.


“May anim na buwang probationary period ang mga bagong pasok, kaya hinihiling kong mag-re-apply sila para maiwasan na maituring silang midnight appointees,” paliwanag niya.


Dagdag pa niya, bilang bagong Ombudsman, gusto niyang masuri nang maayos ang mga tauhan ng ahensya upang matiyak na karapat-dapat ang mga ito sa kanilang tungkulin.


“Hindi naman tama na pagdating mo, punô na agad ang mga posisyon na dapat sana’y bukas pa. Kailangan nating ayusin ‘yung policy na ‘yan,” sabi ni Remulla.


Sinabi rin niya na ang 204 na bagong empleyado ay mula sa iba’t ibang posisyon, at humingi na siya ng tulong sa Civil Service Commission para sa pagsusuri ng mga naturang kaso. Ang Ombudsman ay may pitong taong termino at maaari lamang matanggal sa pamamagitan ng impeachment. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *