Namataan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang oil sheen sa pinaglubugan ng barkong M/V Trisha Kerstin 3 noong Lunes, January 26.
Sa isinagawang aerial surveillance ng PCG ngayong araw, makikita ang bakas ng tumagas na langis mula sa inter-island ferry sa katubigan ng Baluk Baluk Island sa Basilan.
Ayon sa PCG, layon ng misyong ito na patatagin ang maritime domain awareness at mapanatili ang pangangalaga sa ating mga karagatan.
Matapos ang insidente, sinuspinde naman ng Department of Transportation (DOTr) ang lahat ng passenger vessels ng Aleson Shipping Lines na may ari-ng Trisha Kerstin.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, pangungunahan ng Maritime Industry Authority o MARINA at PCG ang imbestigasyon sa nangyaring paglubog.
Tiniyak naman ng PCG na magpapatuloy ang kanilang Search and Rescue operations para sa mga nawawala pang indibidwal mula sa lumubog na barko.
Batay sa huling update ng Office of Civil Defense-Bangsamoro Autonomous Region, 316 na sakay ng barko ang nakaligtas habang 19 na ang kumpirmadong nasawi. | via Alegria Galimba
