“Non-apology” ni Rep. Suntay, binatikos

“Bawal ang bastos sa Kongreso at sa lahat ng pampublikong opisina at espasyo.”

Ito ang mariing pahayag ni Sarah Elago, kinatawan ng Gabriela Women’s Party-list, kaugnay ng tinawag niyang “non-apology” ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay.

Ang reaksyon ay matapos umani ng batikos ang naging pahayag ni Suntay sa isang pagdinig, kung saan nagbitaw umano ito ng sexist remarks kaugnay sa aktres na si Anne Curtis, bilang bahagi ng kanyang analogy sa pagpapaliwanag ng depinisyon ng isang impeachable offense.

Ayon kay Elago, ipinapakita ng naturang pahayag kung gaano pa rin kalalim ang kultura ng pagno-normalize sa pambabastos sa kababaihan.

Dagdag pa niya, may konkretong epekto ang ganitong mga salita sa mga babaeng nakararanas ng iba’t ibang anyo ng pambabastos, diskriminasyon, at abuso, lalo na kung ang mga ito ay nagmumula mismo sa mga halal na opisyal na may impluwensya sa paggawa ng batas at paghubog ng kultura sa mga pampublikong institusyon.

Giit ni Elago, hindi dapat nagiging normal ang ganitong asal, lalo na sa loob ng Kongreso at iba pang tanggapan ng pamahalaan.

Nanawagan din siya sa Kamara na palakasin ang umiiral na mga patakaran para sa mga miyembro nito at isulong ang gender-sensitive practices bilang bahagi ng Rules of the House of Representatives. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *