“No work, no pay” policy sa mga mambabatas, isinusulong ni Ilocos Rep. Marcos

Isinusulong ni Presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang panukalang batas na magpapatupad ng “no work, no pay” policy sa mga miyembro ng Kongreso.

Sa ilalim ng No Work, No Pay for Members of Congress Act o House Bill No. 7432, ang mga mambabatas ay babayaran lamang sa mga araw na sila ay makakadalo sa mga sesyon o anumang opisyal na aktibidad o pagdinig na may kaugnayan sa kanilang trabaho.

Ayon kay Marcos, layon ng panukala na matiyak na nagagamit lamang ang pondo ng bayan sa mga ginagampanang tungkulin ng mga halal na opisyal ng pamahalaan.

Nakasaad din sa panukala ang exemption sa mga hindi makapapasok bunsod ng pagkakasakit o kung may official duty ito sa labas ng kanilang opisina.

Kasama rin dito ang pagsusumite ng attendance records. Bibigyan naman ng karampatang parusa ang sinumang mameke o magpalsipika ng kanilang attendance.

Samantala, pinuri ng Palasyo ang isinusulong ng kongresista upang matukoy ang mga hindi gumaganap sa kanilang tungkulin. | via Alegria Galimba/Judea Bernardo

Ayon pa sa Palasyo, tumanggi umanong magkomento ang Pangulo dahil hindi nito saklaw ang paggawa ng batas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *