Inaprubahan na ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagpapalawig ng prangkisa ng Meralco ng karagdagang 25 taon — ibig sabihin, tuloy-tuloy ang serbisyo ng kompanya sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya hanggang taong 2053!
Ayon kay Meralco chairman at CEO Manny V. Pangilinan, malaking pasasalamat ang hatid niya sa Pangulo at mga mambabatas sa pagpasa ng batas na nagpapalawig sa kanilang operasyon, na orihinal sanang magtatapos sa 2028.
“Panibagong franchise, panibagong commitment!” ani MVP. Tiniyak niyang mas palalakasin nila ang serbisyo gamit ang modernong teknolohiya, mas maaasahang sistema, at mas abot-kayang kuryente.
Base sa batas, ang Meralco ay magpapatuloy ng P206 bilyon na capital expenditures sa loob ng 5 taon para mapababa ang system loss, suportahan ang electric vehicles, at palakasin ang mga bagong industriya gaya ng data centers.
Mula sa dating 550 minutong average power interruptions noong 2011, bumaba na ito sa 123 minutes kada taon, at pangakong mas bababa pa ito.
Ayon kay Rep. Joey Salceda, kung buong bansa ay kasing tibay ng Meralco, maaaring umabot sa P204 bilyon ang dagdag na kita sa ekonomiya. Tiyak na makikinabang ang milyun-milyong consumer dahil sa mas modernong serbisyo at posibilidad ng mas murang kuryente. | via Lorencris Siarez | Photo via PNA
#D8TVNews #D8TV