Nawawala ang PAF fighter jet na may 2 piloto
Isang FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force (PAF) ang nawawala matapos mawalan ng komunikasyon sa kalagitnaan ng isang tactical night operation pasado alas-12 ng madaling araw nitong Martes. Kasama nito ang dalawang piloto na agad hinanap ng militar.
Ayon kay Col. Ma. Consuelo Castillo, huling nakipag-ugnayan ang jet ilang minuto bago makarating sa target area. Sinubukan itong tawagan ng isa pang eroplanong kasama sa misyon, ngunit bigong makuha ang sagot bago ito bumalik sa Mactan, Cebu.
Gamit ang lahat ng available na resources, sinisikap ng PAF na matagpuan ang jet at ang mga piloto. Ayon kay Castillo, may signal pa ang personal locator beacons ng mga piloto at may ejector seats ang eroplano.
Hindi ibinunyag ng PAF ang eksaktong search area dahil posibleng nasa “hot area” o delikadong teritoryo ito. Kinumpirma rin nilang may mga sundalong ipinadala upang magsagawa ng ground search.
Ang FA-50 ay isang light combat aircraft mula South Korea, bahagi ng P18.9 bilyong deal ng gobyerno noong 2015-2017. Ito rin ang unang seryosong insidente na kinasangkutan ng ganitong klase ng fighter jet sa bansa. | via Allan Ortega | Photo via PAF