Mariing kinondena ng National Police Commission ang panibagong insidente ng karahasan o hazing sa loob ng Philippine National Police Academy.
Kung saan 3 kadete ang inaresto na siyang nagsagawa ng hazing sa mahigit 20 underclassmen bilang parusa sa mga ito.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairperson Atty. Rafael Calinisan, hindi pinahihintulutan sa institusyon ang anu mang uri ng karahasan lalo na ang hazing sa mismong academiya ng pulisya.
Ani Calinisan “We will get to the bottom of it. Hindi pwedeng sa mismong pamantasan ng ating mga kapulisan ay mangyayari ang hazing. Bawal na bawal ang hazing in any form. Bawal sa labas. Bawal sa ibang institusyon, lalong-lalo na sa loob ng PNPA”.
Nangyare ang insidente nitong Biyernes Santo kung saan pinahiran ng pinaghalong kemikal ng drain cleaner at muriatic acid ang katawan ng mga biktima kabilang ang likod, binti maging ang maseselang parte ng mga ito dahilan para mag iwan ng lapnos at paso sa katawan ng mga biktima.
Bukod sa 3 naaresto, titignan din sa isasagawang imbestigasyon kung may sangkot na opsiyal sa insidente at kung may iba pang kaso ng karahasan sa loob ng akademya.
“Napolcom task force will be created to investigate whatever happened there in the PNPA and we will not stop until we get to the bottom of it. Itong insidenteng ito baka lang tip of the iceberg pa lang ito. So, we will really look very, very closely dito sa pangyayaring ito,” dagdag ni Calinisan.
Sinabi rin nitong may direktang partisipasyon sa naganap na hazing ay mahaharap sa patong patong na kaso at tiniyak na matatanggal sa PNPA.
Habang nananatili sa kustodiya ng PNP Criminal Investigation and Detection Group ang 3 suspek sa naganap na pangmamaltrato sa higit 20 underclassmen. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent
