Nanawagan si Presidential Communications Office (PCO) chief Jay Ruiz para sa pagpasa ng Digital Services Act na katulad ng sa European Union upang sugpuin ang pagkalat ng maling impormasyon online. Ayon kay Ruiz, kailangang magpatupad ng mahigpit na regulasyon laban sa fake news at deepfakes, lalo na’t hindi madaling aksyunan ng mga social media platform gaya ng Meta, TikTok, at YouTube ang reklamo mula sa Pilipinas.
Hinimok niya ang Kongreso na magpatibay ng mga batas upang labanan ang online disinformation habang pinangangalagaan pa rin ang kalayaan sa pagpapahayag. Binanggit din niya ang panganib ng deepfake content na maaaring gamitin sa panlilinlang at pambabastos sa mga kilalang personalidad.
Ayon kay Ruiz, dapat gawing mas malakas ang boses ng katotohanan kaysa sa kasinungalingan sa social media. Idiniin niyang ang laban sa fake news ay kasinghalaga ng laban sa ilegal na droga noong nakaraang administrasyon.
Dumalo sa pagdinig ang ilang content creators, kabilang sina Elizabeth Cruz, Ethel Pineda, Krizette Laureta Chu, at iba pa. Iginiit ni MJ Quiambao Reyes na hindi siya maka-Duterte o maka-Marcos kundi maka-mabuting pamamahala.
Samantala, si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands dahil sa mga kasong may kinalaman sa diumano’y paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng war on drugs at Davao Death Squad killings. | via Allan Ortega | Photo via PNA
#D8TVNews #D8TV