Namimighati si Marcos sa pagpanaw ni Pope Francis: Pinakamahusay na Papa sa buong buhay ko

Nagluluksa ang buong bansa sa pagpanaw ni Pope Francis, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na emosyonal na nagpugay sa yumaong Santo Papa na tinawag niyang “pinakamagaling” sa lahat ng naging Papa sa kanyang panahon.

“Ibang klase si Pope Francis. Ang sakit. Mahal ko ‘tong Papa na ‘to. The best siya sa buhay ko,” ani Marcos sa isang pahayag mula Malacañang, ilang oras matapos kumpirmahin ng Vatican ang pagpanaw ng 88-anyos na Santo Papa.

Si Pope Francis, na ipinanganak bilang Jorge Mario Bergoglio sa Argentina, ay namuno sa Simbahang Katolika ng 12 taon. Kilala siya sa kanyang kababaang-loob, progresibong paninindigan, at malasakit sa mahihirap.

Sa social media, binigyang-pugay muli ni Marcos ang Papa, aniyang “isang pinunong may puso para sa lahat, lalo na sa mga laylayan.” Tinuro umano ng Papa sa mundo na ang pagiging Kristiyano ay ang pagkakaroon ng malasakit at kabutihan sa kapwa.

Nagpaalala rin si Marcos sa naging makasaysayang pagbisita ng Papa sa bansa noong 2015, kabilang ang emosyonal na misa sa Tacloban matapos ang trahedya ng Yolanda.

Huling namataan si Pope Francis sa St. Peter’s Square bago ang kanyang pagpanaw, dala ang mensahe ng “Happy Easter.” Ngayong araw, sabay-sabay ang pagpatunog ng mga kampana sa mga simbahan at pagsasagawa ng mga misa at vigil sa buong bansa. | via Allan Ortega | Photo courtesy: President Bongbong Marcos Facebook

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *