Nagpakitang-gilas si Alex Eala matapos talunin ang German tennis player na si Laura Siegemund, 6-7 (6), 6-3, 6-3, upang makapasok sa ikatlong round ng Miami Open.
Matapos matalo sa dikit na unang set, bumawi si Eala at nanaig laban kay Siegemund, na kasalukuyang world No. 53, sa laban na tumagal ng tatlong oras at 20 minuto.
Ito ang panimulang panalo ng Filipina tennis star sa torneo kung saan nagsimulang umangat ang kanyang karera noong nakaraang taon.
Ayon kay Eala, naging matindi ang laban parehong pisikal at mental, ngunit bunga umano ito ng kanyang pagsisikap na palakasin ang kondisyon ng katawan matapos ang torneo noong nakaraang taon.
Sa unang set, nasayang ni Eala ang 3-0 na abante at apat na set points, kabilang ang isa sa 6-5 tiebreak, dahilan para maagaw ito ni Siegemund. Ngunit nagpakita siya ng tibay ng loob sa sumunod na mga set upang malampasan ang karanasan ng beteranang kalaban.
Sa deciding third set, mabilis na umabante si Eala sa 5-2, kahit nakapagsalba pa si Siegemund ng dalawang match points. Sa huli, matagumpay na naipagtanggol ng 20-anyos na Pinay ang kanyang serve upang tuluyang maselyuhan ang panalo. | via Allan Ortega, D8TV News
