MMDA target ang AI para sa mas mabilis na trapiko

Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gumamit ng makabagong teknolohiya sa serbisyo publiko, target ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gumamit ng artificial intelligence (AI) para sa mas maayos na pagtukoy at pamamahala ng trapiko.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, layunin ng ahensya na palitan ang lumang ground loop detector ng mas advance na video detector. Ito ay bahagi ng kanilang adaptive signaling system na layong gawing mas maayos ang daloy ng trapiko, maiwasan ang aksidente, at mapahusay ang kahusayan sa kalsada.

Paliwanag ng MMDA Traffic Engineering Center, mas matibay sa masamang panahon at roadworks ang video detectors, at kaya nitong kunin ang impormasyon gaya ng bilis, direksyon, at plaka ng sasakyan gamit ang AI.

Ipinakita rin ni Artes ang mga video ng mga motorista na tumatakbo sa huling segundo ng traffic light timers, dahilan ng red light beating at disgrasya. Kaya tinanggal na ng MMDA ang countdown timers sa 96 interseksyon sa Metro Manila at pinalitan ito ng adaptive traffic lights na gumagamit ng sensors. | via Allan Ortega | Photo via MMDA

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *