Inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang dedikasyon marker sa MMFF Auditorium bilang parangal kay dating First Lady Imelda Romualdez Marcos, na nagsilbing kauna-unahang gobernador ng dating Metro Manila Commission (MMC), ngayon ay MMDA na.
Bahagi ito ng selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng MMDA na may temang: “Honoring the Past, Inspiring the Future: 50 Years of Quality Service and Governance.”
Pinangunahan ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ang seremonya, kasama si Mrs. Marcos bilang panauhing pandangal.
Ayon kay Artes, ang marker ay pagkilala sa ambag ni Mrs. Marcos sa industriya ng pelikulang Pilipino, sa suporta niya sa Metro Manila Film Festival, at sa kanyang pangmatagalang kontribusyon sa kultura ng bansa.
Matatagpuan ang MMFF Auditorium sa ikalimang palapag ng bagong MMDA Head Office sa Pasig City, at nagsisilbing venue para sa pagpapakita at pagpapaunlad ng talento at sining ng mga Pilipino.
Bilang kauna-unahang gobernador ng MMC noong 1975, nakamit ni Mrs. Marcos ang mga mahahalagang proyekto sa urban development at sa industriya ng pelikula, kabilang ang pagtatag ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at ang Manila International Film Festival (MIFF) noong 1982, na nagbigay ng pandaigdigang presensya sa Pilipinas sa larangan ng pelikula. | via Allan Ortega
