Naglabas ng pahayag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa insidenteng kinasangkutan ng kanilang Special Operations Group Strike Force Head na si Gabriel Go. Ayon sa MMDA, tinitingnan nila ang pangyayari nang may seryosong pagtalima at pananagutan. Nakipag-ugnayan na rin sila kay Senator JV Ejercito kaugnay ng kanyang naging pahayag at nangakong tutugon nang naaayon.
Binigyang-diin ng MMDA na palagi nilang pinaaalalahanan ang kanilang mga empleyado na bilang mga lingkod-bayan, nararapat na tratuhin ang lahat ng may paggalang at lubos na kagandahang-asal.
Bagamat kinikilala nila na may mga pagkakataong nagkakaroon ng pagod at tensyon sa pagpapatupad ng batas-trapiko, hindi ito dapat maging dahilan upang malabag ang kanilang mga patakaran at proseso.
Tiniyak ng ahensya na kung may pagkakamaling nagawa si Go, bibigyan siya ng due process at angkop na parusa. Humihingi rin sila ng paumanhin sa anumang abalang naidulot ng insidente sa publiko at itinuturing itong isang mahalagang aral para sa MMDA. Nakatakda rin silang magbigay ng personal na paghingi ng paumanhin kay Captain Erik Felipe at sa kanyang pamilya para sa anumang pinsalang naidulot ng pangyayari
Nakipag-ugnayan na ang MMDA sa mga opisyal ng Philippine National Police, National Police Commission, at Quezon City Police District upang tiyakin na ang insidenteng ito ay hindi makakaapekto sa kanilang magandang relasyon at patuloy na koordinasyon, respeto, at kooperasyon sa pagitan ng kanilang mga organisasyon. | Benjie Dorango
#D8TVNews #D8TV