Miss Universe president, nagsalita na tungkol sa rigging allegations

Sinagot na ng Miss Universe Organization President Raul Rocha ang mga usap-usapang “pre-determined” umano ang resulta ng Miss Universe 2025.

Ito rin ay tugon sa mga sinabi ng French-Lebanese musician na si Omar Harfouch, na umakong nagbitiw siya bilang pageant judge ilang araw matapos ang Miss Universe grand finals.

Inakusahan niya ang organisasyon ng pandaraya pabor kay Miss Mexico Fatima Bosch at tinawag pa itong “fake winner,” na umano’y napanalunan dahil sa negosyo ng kanyang ama kasama si Rocha.

Sa serye ng Instagram posts, mariing itinanggi ni Rocha ang mga paratang na walang hurado ang nagbitiw at pinatamaan pa niya ang isang musikero na wari ba’y si Harfouch bilang isang “opurtunista”.

“I hope the truth about who he really is and about his story comes to light soon, that justice is served, and we will also take legal action,” ani Rocha.

Nilinaw din niya na ang MUO ay “100% private organization” at ang mga resultang naihayag ay nagsasalita mismo para sa sarili nito.

Ipinaliwanag din ni Rocha kung paano niya nakuha ang 50% pagmamay-ari ng MUO at tiniyak na wala siyang kaugnayan sa kahit sinong miyembro o ehekutibo ng organisasyon, lalo na sa pamilya Bosch, na nakilala lamang niya dalawang buwan bago ang Miss Universe Mexico pageant.

Ang pahayag ni Rocha ay naglalayong linawin ang isyu at pigilan ang pagkalat ng umano’y mga pagmamanimupula ng resulta sa naganap na Miss Universe 2025. | via Anne Jabrica, D8TV News Intern

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *