Mga suspek sa hazing sa Cavite, tinutugis

Nadagdagan ang mga personalidad na iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng umano’y karumal-dumal na hazing na ikinasawi ng isang 19-anyos na first year maritime student sa Cavite nitong Linggo, March 1.

Ayon sa Cavite Police Provincial Office, umabot na sa dalawampu’t isa (21) katao ang binisita ng pulisya sa kanilang mga tirahan bilang bahagi ng imbestigasyon.

Sa pahayag ni Cavite Police Provincial Office Director Ariel Red, siyam (9) sa naturang bilang ang tinukoy na may direktang partisipasyon sa hazing, habang labindalawa (12) naman ang itinuturing na persons of interest.

Kabilang sa siyam ang driver ng sasakyang ginamit sa pagdadala sa biktima sa isang ospital sa General Trias, Cavite. Sumuko na umano ang driver sa mga awtoridad.

Nilinaw ni Red na walang katotohanan ang ulat na pinalaya ang naturang driver. Aniya, pinayagan lamang itong kumuha ng sariling abogado bilang bahagi ng kanyang karapatan.

Nakatakdang sumailalim ang driver sa inquest proceedings ngayong araw sa Dasmariñas City Prosecutor’s Office para sa kasong paglabag sa Republic Act 11053 o ang Anti-Hazing Act of 2018.

Batay sa imbestigasyon, isa umano ang driver sa mga huling nakasama ng biktima bago ito bawian ng buhay at naroroon din sa mismong lugar kung saan isinagawa ang hazing rites.

Patuloy naman ang hot pursuit operations ng pulisya laban sa iba pang suspek na may pagkakakilanlan na.

Samantala, batay sa paunang autopsy report, lumabas na ang sanhi ng pagkamatay ng biktimang si Mark Kenneth Alcedo ay severe blunt force trauma to the lower extremities. Nakitaan din umano ng iba’t ibang pinsala sa katawan ang biktima.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng insidente at ang pananagutan ng bawat sangkot.

Hinikayat din ng pulisya ang dalawa pang kasamahan ng biktima na lumutang at makipagtulungan sa imbestigasyon upang mabigyang-linaw ang nangyari sa 19-anyos na maritime student. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *