Ibinasura ng Office of the City Prosecutor ng Mandaluyong ang mga kasong robbery, grave threats, grave coercion, slander, at incriminating an innocent person na isinampa ni businessman Charlie “Atong” Ang laban sa missing sabungeros whistleblower na si Julie Patidongan.
Ayon sa resolusyon noong Setyembre 30, 2025, kulang umano sa prima facie evidence o sapat na ebidensiya para maipanalo sa korte ang mga reklamo.
Sa kasong paninirang-puri, tinukoy ni Ang na tinawag siyang “mastermind” sa pagkawala ng mga sabungero sa isang TikTok post ng panayam.
Pero ayon sa piskalya, walang patunay kung sino ang nag-upload o gumawa ng post, kaya hindi ito puwedeng gamiting basehan sa kaso.
Dagdag pa, walang sapat na ebidensiyang nagpapakita ng pananakot kay Ang.
Sa halip, lumabas sa call logs na si Ang mismo ang tumatawag sa isa pang respondent na si Alan Bantiles.
Ipinunto rin ng piskalya na patuloy pa ring sinuportahan ni Ang ang kampanya ni Patidongan sa pagka-alkalde noong 2025, kahit pa sinasabi niyang may sabwatan laban sa kanya mula pa 2023.
Giit ng piskalya, hindi kapani-paniwala na popondohan pa ni Ang ang taong umano’y gustong magnakaw o pumatay sa kanya.
Ayon sa abogado ni Ang na si Atty. Gabriel Villareal, maghahain sila ng apela sa Department of Justice. | via Allan Ortega
