10 araw bago mag-Pasko, nananatili pa rin sa evacuation center ang mga residenteng nasunugan sa Brgy. Pleasant Hills, Mandaluyong City.
Sumiklab ang sunog na umabot sa 5th alarm noong Biyernes ng gabi kung saan nasa mahigit-kumulang 2,000 indibidwal at 500 pamilya ang naapektuhan.
Wala namang naaksidente sa mga biktima ng sunog at mabilis rumesponde ang barangay, ayon kay Brgy. Kagawad Bernie Evangelista.
Pahayag ni Evangelista, nagkaroon na ng negosasyon sa pagbili ng lupa ang city government mula sa pribadong kompanya ngunit nangyari naman ang sunog sa lugar.
Dagdag pa nito, siniguro ng pamahalaang lungsod na walang madi-displace sa mga residente nito at ilalaban nila ang karapatan ng kanilang mga mamamayan doon.
Siniguro din ng barangay na makapagdiriwang pa rin ng Pasko ang mga residente nito.
Nagbigay naman ng paalala si Evangelista sa pagdo-donate sa mga nasunugan.
Ayon sa barangay, nasa tatlong evacuation centers ang tinutuluyan ngayon habang sinisiguro nilang magiging mabilis ang paggawa ng mga pabahay. | via Andrea Matias
