Mga gadget ni ex-DPWH Usec. Cabral, pinaiingatan ng Ombudsman

Iniutos ng Office of the Ombudsman sa mga awtoridad sa Benguet na agad kunin at ingatan ang cellphone at iba pang electronic devices ng yumaong si dating Public Works Undersecretary Maria Catalina “Cathy” Cabral, na nasangkot sa kontrobersiya sa mga flood control projects.


Ayon sa Ombudsman, dapat maayos na maprotektahan ang mga gadget ni Cabral at maipasa sa mga imbestigador upang maiwasan ang pagkawala, pagbabago, o panlilinlang ng datos.


Kinumpirma ang pagkamatay ni Cabral matapos umano siyang mahulog sa bangin sa Kennon Road Huwebes ng gabi.

Batay sa paunang imbestigasyon, umalis si Cabral mula Baguio City kasama ang kanyang driver, ngunit hiniling niya na itigil ang sasakyan at iwan siya.

Nang bumalik ang driver, wala na si Cabral at ang sasakyan.

Natagpuan sila ng rescue teams sa Bued River, 20–30 metro ang lalim mula sa kalsada, at idineklara siyang patay sa Benguet General Hospital.


Kasabay nito, tinukoy ng Independent Commission for Infrastructure si Cabral bilang pangunahing tauhan sa imbestigasyon ng umano’y anomalya sa mga proyekto ng gobyerno.

Hinikayat ng komisyon ang mabilis at maayos na pagsisiyasat, kabilang ang pagsusuri sa lahat ng dokumento, computer, at gadget ni Cabral, upang matukoy ang posibleng ebidensya.

Nanawagan din ang komisyon ng malinaw at transparent na imbestigasyon sa pagkamatay ni Cabral, at nagpaabot ng pakikiramay sa kanyang pamilya at mga dating katrabaho. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *