Isinuko na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Office of the Ombudsman ang computer storage device at mga dokumento mula sa tanggapan ng yumaong dating undersecretary na si Maria Catalina Cabral.
Ito ay kasunod maglabas ng subpoena duces tecum ang Ombudsman nitong Lunes, na nag-uutos sa DPWH na isumite ang lahat ng electronic gadgets na ibinigay kay Cabral upang masuri kung may nadagdag, nabura, o nabago sa laman ng mga ito.
Ayon sa DPWH, ang mga dokumentong isinumite ay mga file ni Cabral na naipon sa loob ng nakalipas na 10 taon.
Sinabi rin ng ahensya na makikipagtulungan sila nang buo sa mga awtoridad na nagsasagawa ng imbestigasyon.
Matatandaang nasawi si Cabral noong December 18 matapos mahulog sa isang malalim na bangin sa Kennon Road sa Tuba, Benguet.
Batay sa paunang ebidensya ng pulisya, posibleng suicide umano ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Si Cabral ay itinuturing na mahalagang personalidad sa imbestigasyon ng pamahalaan kaugnay ng flood control scandal sa iba’t ibang panig ng bansa.
