Mga dating opisyal ng DPWH, pinakakasuhan ng ICI sa Ombudsman

Nagsumite na ng interim report ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay sa P72.3 milyong halaga ng flood control project sa Plaridel, Bulacan.

Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), nadiskubre na ang proyekto ng Topnotch Catalyst Builders Inc. na wala pa lang itinayong istruktura sa lugar na nakasaad sa Approved Bid Plans.

Inilipat umano ito sa ibang lokasyon na walang sapat na dokumentong nagbibigay ng pahintulot sa naturang relokasyon.

Sa isinagawang inspeksyon ng COA, lumalabas na hindi talaga naipatupad sa itinakdang lugar kahit naibayad na nang buo ang kontrata sa Topnotch.

Dahil dito, inirekomenda ng ICI sa Ombudsman ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo kina dating DPWH Bulacan Engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza at iba pang tauhan ng ahensya maging ang may-ari ng construction firm ng Topnotch na si Eumir Villanueva.

Bukod dito, inirerekomenda rin ng komisyon ang mga posibleng paglabag nina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at Undersecretaries na sina Roberto Bernardo at Maria Catalina Cabral.

Kasong anti-graft, malversation of public funds, falsification of documents, paglabag sa Procurement Reform Act at negligence of duty ang pwede isampa laban sa mga nabanggit na indibidwal.

Sa ngayon, inaasahan na sa mga susunod na mga linggo ay magsasampa na ng kaso ang Ombudsman sa korte laban sa mga indibidwal na sangkot sa flood control project scam. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *