Mga biyahero sa PITX, umabot sa 1-M sa loob ng 5 araw

Patuloy ang dagsa ng mga biyahero sa mga transport hub ngayong holiday season.

Sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) pa lamang, lampas isang milyon na ang naitalang pasahero mula December 19 hanggang 23.

Ayon sa pamunuan ng PITX, hindi pa humuhupa ang dating ng mga uuwi sa kani-kanilang probinsya.

Batay sa ulat, umabot sa kabuuang 1,022,762 na pasahero ang labas-pasok sa terminal sa loob lamang ng limang araw.

Pinakamataas ang bilang noong December 23 na may 231,827 biyahero, habang sunod-sunod din ang dagsa noong mga nakaraang araw.

Ngayong bisperas ng Pasko, tuloy-tuloy pa rin ang dating ng mga pasahero sa PITX.

Pagsapit pa lamang ng alas-8 ng umaga kanina 40,492 na pasahero agad ang dumating sa terminal.

Inaasahan naman ng pamunuan ng terminal na aabot sa higit tatlong milyong biyahero ang dadaan sa PITX hanggang January 5. | via Ghazi Sarip

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *