Nagsagawa ng inspeksyon at random drug testing ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga bus terminal sa Cubao, Quezon City bilang paghahanda sa holiday rush.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan, kaayusan, at kaginhawaan ng mga pasahero.
Layunin ng operasyon na tiyaking walang gumagamit ng ilegal na droga ang mga bus driver at nasa maayos na kondisyon bago bumiyahe ng malayuan.
Ayon sa DoTr, mahalaga ito lalo na ngayong maraming pasaherong umuuwi sa mga probinsya para sa Pasko at Bagong Taon.
Kasama sa inspeksyon ang mga opisyal ng DoTr, LTO, PDEA, QC Traffic, at PNP-Highway Patrol Group, habang K-9 teams ay dineploy para sa drug detection at safety checks.
Inaasahan ng MMDA na lalo pang dadami ang pasahero ngayong weekend, kaya’t may full deployment na rin ng personnel sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 437,000 sasakyan ang dumaraan sa EDSA araw-araw. | via Allan Ortega
